MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang tatlong jailguard matapos makapuga ang dalawang preso na may kasong robbery/hold-up habang nasa court hearing sa Malolos City, Bulacan kahapon ng umaga.
Inilatag na ang malawakang manhunt operation ng mga tauhan ni P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr. laban sa dalawang presong sina Michael Cortez ng Brgy. Sta. Inez, Mabalacat, Pampanga; at Russel Arceo ng Road 10, Sapang Palay sa San Jose Del Monte City, Bulacan, kapwa sangkot sa panghoholdap sa sangay ng LBC remittance center sa Barangay Gabriel, Malolos City noong Disyembre 2011.
Lumilitaw na habang hinihintay ang pagdating ni Judge Renato Francisco sa Malolos City Regional Trial Court Branch 19 ay nakaupo na ang dalawang akusado para sa preliminary hearing kung saan nakabantay naman ang tatlong jail guard mula sa Angeles City, Pampanga Provincial Jail.
Gayon pa man, nagpaalam ang dalawa na may kukuning ilang dokumento sa labas ng korte kaya sinamahan naman ng mga jailguard.
Dito na sinamantala ng dalawa na agawin ang dalawang baril ng jailguard bago tuluyang tumakas matapos wasakin ang bintana ng isa sa silid ng hukuman.
Narekober naman ang motorsiklong ginamit ng dalawa sa Barangay Taal sa bayan ng Bocaue kung saan kinomander naman ang sasakyang patungo sa mga bayan ng Sta. Maria at San Jose Del Monte City.