BATANGAS, Philippines – Kamatayan ang huling kapalaran ng chief engineer habang himala namang nakaligtas ang lima nitong tripulante matapos lumubog ang sinasakyan nilang tugboat sa karagatang malapit sa bayan ng Calatagan, Batangas noong Linggo ng umaga.
Kinilala ni Lt. Commander Armand Balilo, PCG spokesman ang nasawing biktima na si Chief Engineer Sienen Bobier ng M/Tug Phil. Pasig.
Nakaligtas naman ang mga tripulanteng sina Samuel Abad, Dave Alcantara, Joel Basilan, Jimmy Pinto at si Rico Catipunan.
Sa report ng Phil. Coast Guard, hinihila ng M/Tug Phil Pasig ang isa pang towing barge na M/Tug Jovili mula sa Delpan, Binondo, Manila papuntang Mabini Anchorage sa Batangas nang bayuhin ng malalakas na alon.
Sumadsad sa mababaw na bahagi ng dagat ang M/Tug Phil Pasig at mabalaho sa may 400 metro ang layo sa pampang ng Barangay Sitio Payapay sa nasabing bayan.
Agad namang rumesponde ang M/Tug Alphard mula sa Harbor Star Shipping Services, Inc., para hatakin ang M/Tug Phil Pasig subalit bigla itong lumubog dahil na rin sa lakas ng alon at hangin.
Nakaligtas naman ang limang tripulante matapos dumaan sa ilalim ng kanilang barko samantalang nakulong naman si Bobier sa papalubog na tugboat.
Nakuha ang labi ni Bobier bandang alas-7:30 ng umaga matapos ang search and rescue operation ng Coast Guard.
Dinala ang limang tripulante sa pinakamalapit na ospital para sa medical check-up habang ang bangkay ni Bobier ay dinala sa puneraria sa bayan ng Nasugbu, Batangas.