13-anyos na dalagita ni-rape slay

NUEVA ECIJA, Philippines – Hinihinalang pinagsamantalahan muna bago brutal na pinaslang ng hindi pa nakilalang salarin ang isang 13-anyos na dalagita na natagpuang bangkay at walang saplot sa isang madamong bahagi ng bakanteng lote sa Brgy. Sto. Tomas, Aliaga, Nueva Ecija, kamakalawa ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Diana Viniales, isang first year high school student at nakatira sa Purok Gat Jose Rizal ng nasabing barangay.

Ayon sa pulisya, natagpuan ang katawan ng biktima bandang alas-8 ng umaga ng mga residente dito sa bakanteng lote na pag-aari ng isang Larry dela Cruz.

May mga tinamong sugat umano ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito at walang suot na pang ibaba. Ang shorts at duguang panty nito ay natagpuan sa tabi ng biktima.

Sa pahayag ng mga magulang ng biktima simula pa noong Agosto 22 ng gabi ay nabigong makauwi ang dalagita sa kanilang tahanan hanggang sa madiskubre ang krimen.

Nakatakda namang isailalim sa awtopsya ang bangkay ng biktima na nakalagak sa Balot Funeral Parlor sa Brgy. Rajal, Sta Rosa ng lalawigag ito.

Show comments