QUEZON, Philippines – Masyadong napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa 13-anyos na lalaki habang limang iba pa ang malubhang nasugatan matapos salpukin ng trak ang kanilang traysikel sa Maharlika Highway sa Barangay Sto. Cristo sa bayan ng Sariaya, Quezon, kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ng pulisya ang namatay na si Cris Baset, habang ginagamot naman sa Greg Hospital sina Cristian Silva, 15; Eloisa Castillo, 18; Joshua Castillo, 13; Elson Fegalquin, 14; at si Glenda Pahilan, 14, na pawang nakatira ng Barangay San Andres sa bayan ng Candelaria, Quezon.
Ayon kay SPO1 Noriel Banaag, lulan ng traysikel ang mga biktima patungo sa bayan ng Candelaria nang salpukin ng trak ang hulihang bahagi ng trike.
Dito nahulog sa trike si Baset.
Sumuko naman sa pulisya ang driver ng trak (WDZ699) na si Rodante Isabedra, 36, ng Parañaque City.