MANILA, Philippines - Pito-katao ang iniulat na nasawi habang siyam iba pa ang nasugatan kabilang ang dalawang nasa kritikal na kondisyon matapos magsalpukan ang truck at kasalubong nitong van na kapwa nagliyab sanhi ng biglaang pagtawid ng tumatakbong kabayo sa highway sa Barangay Poblacion sa bayan ng Titay, Zamboanga Sibugay noong Biyernes ng gabi.
Kinilala ni P/Chief Supt. Napoleon Estilles ang mga nasawing biktima na sina Carmela Billiones, Estarlito Despi Sr., Delia Espina, Diamay Espina, Antonia Gantalao at ang dalawang driver na sina Joel Villamor, driver ng van at Froilan Dimasuhid, driver ng Bongo truck.
Sa siyam na nasugatan na nagtamo ng 3RD degree burn ay sina Ace de la Cruz at Liza Espina habang ang iba pa ay sina Violeta Baraquilis, Lolita Espina, Robelyn dela Cruz, Ernesto Cadorna, Nelson Bertulfo, Maria Elena Taghup; pawang pasahero ng van at ang helper ng truck na si Mario Moro na tumalsik naman sa damuhan.
Ang dalawang kritikal na sina De la Cruz at Espina ay ililipat naman sa hospital sa lungsod ng Zamboanga dahil sa maselang kalagayan.
Naganap ang trahedya sa kahabaan ng highway sa Brgy. Poblacion dakong alas-10:30 ng gabi.
Sa panayam naman sa desk officer na si PO2 Lito Olaiva, sinabi nito na ang biglaang pagtawid ng tumatakbong kabayo na iniwasan ni Dimasuhid, driver ng abuhing Bongo truck kaya nasalpok naman nito ang kasalubong na Toyota Lite Ace van (JVJ-276) ni Villamor.
Sa lakas ng pagkakabangga ay agad na nagliyab ang unahang bahagi ng trak at nadamay din ang van na ikinasawi ng mga biktima.