MANILA, Philippines - Pito katao kabilang ang isang nasa kritikal na kondisyon ang nasugatan makaraang sumambulat ang bomba na itinanim ng mga pinaghihinalaang bandidong Abu Sayyaf Group sa isang pampasaherong bus habang patungo sa terminal nito sa Zamboanga City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Army’s 1st Infantry Division (ID) Spokesman Captain Alberto Caber, ang mga nasugatang biktima na sina Rainer Palanas, 22, nasa kritikal na kondisyon; Lando Madela, 32; Mc Owen Palomar, Rochelle Villanueva, 25; Reynard Pabras at Ramil Olivar, bus driver at isa pang hindi natukoy ang pagkakakilanlan; pawang nilalapatan na ng lunas sa Western Mindanao Medical Center.
Batay sa imbestigasyon, sinabi ni Caber, bandang alas-9:45 ng gabi ng sumambulat ang bomba sa hulihang bahagi ng Rural Transit Bus 9224 na may lulang 24 pasahero galing Pagadian City.
Sinabi naman ni Zamboanga City Police Director P/Sr. Supt. Jaime Mejia na base sa deskripsyon ng mga testigo ay tumutugma sa mga wanted na Abu Sayyaf ang nag-iwan ng sumabog na bomba sa isang bagahe sa compartment sa hulihang bahagi ng bus.
Ang bus ay kararating lamang at may 200 metro na lamang ang layo sa destinasyon nito sa Integrated Bus Terminal sa Brgy. Guiwan ng lungsod ng Zamboanga nang sumabog ang Improvised Explosive Device (IED) mula sa isang inabandonang bagahe na ikinasugat ng mga biktima habang nawasak naman ang likuran ng bus.