CAMARINES NORTE, Philippines – Kamatayan ang sumalubong sa 44-anyos na financier ng minahan na staff ni ex-Rep. Liwayway Vinzos-Chato matapos ratratin ng riding-in-tandem sa Purok 6, Barangay Talobatib sa bayan ng Labo, Camarines Norte kamakalawa ng tanghali. Napuruhan sa ulo ang biktimang si Roberto Pascua, may asawa, ng Purok 3, Barangay Dalas sa nabanggit na bayan. Sa pagsisiyasat ni PO3 Glenn Aguitong, nagmomotorsiklo ang biktima patungo sa kanilang bahay nang harangin at pagbabarilin ng tandem. Una nang pinaslang ang isa ring mining financier na si Sammy Amargo matapos na isiwalat sa radio station ang ilang opisyal ng pulis sa Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr at pulitiko ang nakikinabang sa iligal na pagmimina.