1-anyos binoga ng 7-anyos na ate

MANILA, Philippines - Isang tama ng bala sa pagitan ng mga mata ang kumitil sa buhay ng 1-anyos na batang lalaki matapos itong mabaril ng kanyang 7-anyos na ate sa loob ng kanilang tahanan sa Buhangin, Davao City noong Martes ng umaga.

Sa phone interview, sinabi ni P/Chief Insp. Benito Ricopuerto, officer-in-charge ng Buhangin PNP Community Precinct, naganap ang insidente sa  Park 1 Comunal sa nasabing lugar kung saan kinilala ang napatay na si Anthony Glenn Rabanes Jr. na idinekla­rang patay nina Dr. Chris Pales at Dr. Dronan Wong sa Southern Philippines Medical Center.

Base sa imbestigasyon, naglalaro ang magkapatid nang aksidenteng matagpuan ng ate ang baril na sumpak (improvised firearm) sa drawer sa loob ng silid ng kanilang tahanan.

Dito itinutok sa kaniyang kapatid saka kinalabit ang gatilyo ng sumpak kung saan duguang bumulagta ang biktima na bagaman nagawang maisugod sa ospital ay nabigong mailigtas ang buhay matapos mapuruhan ng tama ng bala.  

Nabatid na naiwan ang magkapatid na naglalaro dahil abala sa kusina ang ama na si Anthony Glenn Rabanes Sr. habang ang kanilang ina naman ay may binibili sa kalapit na tindahan.

Inaresto naman ng mga operatiba ng pulisya ang ama ng mga bata dahil sa kapabayaan na nagresulta sa pagkamatay ng kanilang anak habang isasailalim naman sa ballistic test ang baril na narekober sa crime scene.

Lumilitaw na madalas makapanood ng mga barilan sa telebisyon ang nasabing ate habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments