3 holdaper bulagta sa shootout

BULACAN, Philippines – Tatlong kalalakihan na sinasabing notoryus na holdaper ang napatay matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa liblib na bahagi ng Sitio Daang Hari sa Barangay Balasing, Sta. Maria, Bulacan kamaka­lawa ng gabi.

Isa sa tatlong napatay ay kinilalang si Reynaldo Ogbinada ng Barangay Batia sa bayan ng Bocaue, Bulacan habang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng dalawa.

Sa police report na nakarating kay P/Supt. Lailene Amparo, naunang hinoldap ng tatlo ang negosyanteng si Sukhpreet Singh, 40, ng Barangay Abangan Norte sa bayan ng Marilao.

Nakahingi naman ng saklolo sa pulisya ang negosyanteng si Singh matapos holdapin sa bahagi ng Barangay Caysio-Sta. Clara Road kaya inilatag ang follow-up operation kung saan namataan naman ang tatlo na lulan ng motorsiklo.

Tinangkang pahintuin ng pulisya ang tatlo subalit nagpaputok ng baril hanggang sa magkahabulan na nauwi sa shootout.

Narekober sa tatlo motorsiklo na walang plaka, 2 col. .38 revolver, 2-patalim, P980 na kinulimbat sa nasabing negosyante kabilang ang kanyang dri­ver’s license, dalawang cell phone.

Dumagsa naman sa himpilan ng pulisya ang ilang negosyanteng Bumbay na sinasabing biktima ng tatlong holdaper.

Show comments