Ina, 2 anak, pamangkin minasaker

TUGUEGARAO CITY,  –Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng mag-iina at pamangkin nito matapos tadtarin ng saksak ng traysikel driver sa loob ng kanilang tahanan sa San Lorenzo Ruiz Subdivision sa Barangay Marabulig Uno, Cauayan City sa Isabela kahapon ng madaling-araw.

Sa ulat ng Cauyan City PNP, kinilala ang mga napaslang na mag-anak na sina Annabel Bartolome, 32, store owner; Niño Bartolome, 11; Anna Isabela Bartolome, 8; at ang pamangkin na si Junnabel Martines, 14.

Sa inisyal na imbestigas­yon ni SPO4 Rodante Sinuto, pinaniniwalaang naganap ang krimen sa pagitan ng alas-12 hanggang alas-3 ng madaling-araw kung saan sinasabing matindi ang galit ng suspek matapos na magtamo ng  55 saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan si Junnabel.

Samantala, si Anna Isabela ay nagtamo ng 20 saksak; 9 saksak naman kay Niño habang si Annabel ay 36 ang tinamong saksak sa katawan partikular na sa ulo at dibdib.

Arestado naman ang ka-live-in na trike driver na si Angelito “Lito” Ramos matapos na mag-match sa crime scene ang mga bakas ng paa nito kung saan sinabi nito sa pulisya na sumilip lang siya sa pinto at hindi na pumasok sa loob nang makitang du­guang nakabulagta ang mga biktima.

Nabatid na si Ramos ay nanginginig pa at balisa matapos ipagbigay-alam sa pulisya ang insidente.

Narinig pa ng mga kapitbahay ang malakas na sigawan na parang away mag-asawa ilang oras bago nadiskubre ang krimen sa salas ng bahay na sinasabing nanlaban ang mga biktima.

Napag-alaman din sa police report na ang misis ay sinasabing hiwalay sa kaniyang mister na nag-abroad na may isa o dalawang linggo na ang nakalipas habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments