MANILA, Philippines - Isa-katao ang nasawi habang 28 iba pa ang nasugatan sa magkahiwalay na sakuna na kinasangkutan ng dalawang pampasaherong jeepney sa lalawigan ng Masbate at Antipolo City, Rizal dulot ng malakas na pag-ulan ng hanging habagat kahapon.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, dakong alas-9 ng umaga nang madulas at bumaliktad ang pampasaherong jeepney (EVG 596) ni Leo Labao sa national highway sa Barangay Maravilla sa bayan ng Palanas, Masbate.
Nasawi ang pasaherong si Francisco Col habang 18 naman ang sugatan na naisugod sa Cataingan District Hospital.
Samantala, sampu-katao naman ang sugatan matapos bumigay ang tulay habang tumatawid ang isa pang pampasaherong jeepney sa Sitio Calumpang, Brgy. San Jose, Antipolo City, Rizal kahapon ng madaling-araw.
Bunga nito ay nahulog sa may 25-lalim ng bangin ang jeepney na ikinasugat ng 10-katao na mabilis na isinugod ng pulisya sa Padilla District Hospital.