P10-M poultry house naabo

CEBU CITY, Philippines – Aabot sa P10 milyong halaga ng ari-arian ang naabo matapos masunog ang poultry house kung saan natusta ang 100 manok sa Barangay Magdugo sa Toledo City, Cebu kamakalawa ng madaling-araw.

Ayon kay Senior Fire Officer 2 Constancio Alcover, Jr. ng Toledo City Fire Station, nagsimula ang apoy sa gitna ng poultry farm na pag-aari ni Rosvella Climaco bandang alas-3 ng madaling-araw.

Nakaligtas naman sa sunog ang anim na stay-in workers na nagulantang sa biglaang pagkalat ng apoy subalit hindi nakaligtas sa pagkasunog ang 100 manok na ipinagbibili sa ilang pamilihang bayan sa Cebu.

Naapula naman ang apoy sa loob lamang ng 15 minuto kung saan naabo ang lahat ng gamit sa poultry house.

Naniniwala naman si Alcover na faulty electrical wiring ang isa sa pinagmulan ng apoy na lumamon sa poultry house.

Show comments