MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa 15-katao na sinasabing makikipaglamay sana sa burol ng kanilang kamag-anak habang 10 iba pa ang nasugatan matapos mahulog ang trak sa malalim na kanal sa Sitio Atay, Barangay Cabibihan sa bayan ng Caibiran, Biliran noong Sabado ng gabi.
Ayon kay PO2 Alipio Pantas Jr. ng Biliran PNP, kabilang sa mga nasawi ay sina Honoria Regir, Lolita Yagon, Renato Escosis, Julito Yagon, Marianito Areglo, Juniel Rosete, Anthony Jay Montiadora, Lito Cabalquinto, Junita Rosete, Josephine Rosete, Junalin Rosete, Areglo Jennifer, at si Manilyn Rosete.
Samantala, sugatan naman sina Cornelia Montiadora, Antonio Rosete, Ben Fortuna, Raul Montiadora, Jennifer Callao, Ellen Areglo, Renalyn Escosio, Alicia Escosis, at si Gerry Areglo.
Base sa police report, patungong Caibiran ang Elf truck na may lulang 30-katao nang mawalan ng preno sa kurbadang highway kaya nagtuluy-tuloy sa malalim na kanal.
Patay agad ang 13-katao habang ang dalawa naman ay nasawi habang ginagamot sa Biliran Provincial Hospital at Eastern Visayas Regional Medical Center sa Tacloban City, Leyte.
Kasama sa nasawi ang driver ng trak na si Nilo Rosete, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng ibang nasawi at nasugatan.
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat, ang mga biktima ay makikipaglamay sana sa burol ng isa sa kanilang kamag-anak sa bayan ng Caibiran nang maganap ang trahedya. Nangako naman ang lokal na pamahalaaan ng Biliran na tutulong sa pamilya ng mga biktima.