Manila, Philippines - Kalaboso ang apat-katao na sinasabing drug dealer matapos makumpiskahan ng P3.1 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa inilatag na PNP checkpoint sa bayan ng Tublay, Benguet kamakalawa.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Benjamin Magalong, Cordillera PNP regional director, pasado alas-7 ng umaga nang maharang ng pulisya ang Hyundai van (AYP444) na checkpoint sa Barangay Caponga.
Nang inspeksyunin ang sasakyan ay bumulaga ang 30 bloke ng marijuana, 14 cylindrical form ng marijuana na tumitimbing ng 73. 5 kilos na may katumbas na P3,197,500.
Arestado naman ang mga suspek na sina Alipio Gil-o, 45, driver; Amor Cagayan, 28; Lindo Jose Sawasis, 39; at si Arnis Mangilay, 32.
Bago ito, ayon sa opisyal ay nakatanggap ng impormasyon ang pangkat ni P/Senior Inspector Ronald Viscara ng Tublay PNP kaugnay sa kontrabandong ipupuslit mula sa La Trinidad, Benguet.