MANILA, Philippines - Bumagsak sa mga operatiba ng pulisya ang isa sa mga bandidong Abu Sayyaf na sangkot at pamumugot ng mga bihag sa Sulu noong 2002 sa inilatag na operasyon sa Lamitan City, Basilan kahapon.
Sa ulat ni P/Chief Inspector Kenneth Balisang, hepe ng Lamitan City PNP, kinilala ang nasakoteng suspek na si Hadjer Arasani alyas Injing/Ilking na nahaharap sa kasong kidnapping with serious illegal detention.
Bandang alas-2:45 ng madaling araw nang masakote ng mga operatiba ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest ng korte si Arasani sa Barangay Tandung Ahas sa nasabing lungsod.
Nabatid na si Arasani ay sangkot sa pagdukot ng anim na miyembro ng Jehovah’s Witnesses noong Agosto 2002 sa bayan ng Patikul, Sulu na kinabibilangan ng apat na babae at dalawang lalaki na nagsasagawa ng door-to –door sale ng mga cosmetic products.
Isang araw matapos dukutin ang mga biktima ay pinugutan ng mga bandido ang dalawa sa mga hostages na lalaki.
Samantala, nailigtas naman sa isinagawang rescue operations ng tropa ng militar ang iba pang mga bihag makalipas ang ilang linggong pagkakabihag.
Isinasailalim sa masusing tactical interrogation ang nasakoteng berdugong kidnaper.