Manila, Philippines - Dalawang magpinsang elementary pupil ang nasawi matapos malunod habang naliligo sa ilog sa Brgy. Balaring, Silay City, Negros Occidental kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Michael Castillo, 10-anyos, Grade IV pupil at pinsan nitong si Rommel Mulitin, 12 anyos at Grade VI; pawang ng Balaring Elementary School.
Batay sa ulat ng Negros Occidental Police, naganap ang insidente dakong ala-1 ng hapon matapos na mag ‘cutting-class’ ang magpinsan kasama ang kanilang kaibigan at kapwa mag-aaral na si Gino Cordero na naligo sa ilog sa lugar.
Gayunman sa gitna ng pagtatampisaw sa tubig ay tinangay si Castillo ng malakas na agos sa ilog kung saan ay tinangka naman itong sagipin ni Mulitin pero kapwa nalunod ang magpinsan.
Nagresponde naman ang mga rescue team ng lokal na pamahalaan na nagawang maiahon ang katawan ng mga bata sa ilog pero idineklara ang mga itong-dead-on arrival na sa pagamutan.