Jailbreak: 11 preso pumuga

MANILA, Philippines - Aabot sa 11-preso kabilang ang lider ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front ang nakatakas mula sa Maguindanao Provincial Jail sa PC Hill, Cotabato City kahapon ng madaling araw.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, kabilang sa mga pumuga ang bomb expert na si Datukan Samad alyas Commander Lastikman.

Pinaghahanap na rin sina Anwar Maguid, Fahad Daguiman, Abel Unsing, Kagkim Omar, Bong Usop, Siki Pilas, Ogie Kimbaw, Ampo Kimbaw, Saipona Baulo at si Basco Puas.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Danny Reyes, lumitaw naman sa inisyal na pagsisiyasat na nagawang makatakas ng mga preso sa pamamagitan ng paglagare sa rehas na bakal sa palikuran matapos na makalingat ang mga bantay.

Nabatid na si Commander Lastikman na nahaharap sa iba’t ibang kasong kriminal sa Central Mindanao ay inilipat sa Maguindanao Provincial Jail matapos ang madugong pag-atake ng mga kasamahan nitong MILF sa Kidapawan City Jail sa pagtatangkang iligtas ito. 

Pinaniniwalaang planado ang jailbreak dahil mahirap lagariin ang makapal na rehas na bakal sa itaas na bahagi ng palikuran.

Nalalagay naman sa balag ng alanga­ning masibak sa puwesto ang ilang opisyal ng kulungan.

Show comments