MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa apat-katao habang 16 iba pa ang malubhang nasugatan makaraang mahulog ang dumptruck sa matarik na bangin sa South Upi, Maguindanao noong Martes ng hapon.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Flordeliza Binas, Bon-Bon Binas, Femie Tecson, at si Joy-Joy Samillano na pawang nakatira sa Barangay Basak sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.
Ginagamot naman sa Lebak District Hospital ang mga nasugatang sina Robert Valderama, Lucrecia Depeta, Erik John Rey Arisola, Margelyn Ogatis, Alberto Teczon, Connie Samillano, Esperanza Panes, Cherry Samillano, Ronnie Beradia at iba pa.
Sa ulat ni P/Supt. Marcelo Pintac, naganap ang trahedya habang bumabagtas ang dilaw na dumptruck (SKT 760) ni Wilfredo Casumpang sa matarik na highway sa Sitio Cocob, Barangay Kuya.
Ang dumptruck na pag-aari ng pamahalaang lokal ng Sultan Kudarat ay patungo sana sa bayan ng Lebak nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver.
Gumulong ang truck pabalik hanggang sa mahulog sa matarik na bangin na ikinasawi at ikinasugat ng mga pasahero nito.
Nabatid na ang mga biktima ay mula sa Koronadal City at nakisakay lamang sa dumptruck upang makipaglamay sa namatay na kamag-anak sa bayan ng Lebak.
Isinailalim naman sa kustodya ng pulisya ang driver ng truck na nahaharap sa kasong kriminal habang patuloy naman ang imbestigasyon.