Umbagerong ama kinatay ng anak

MANILA, Philippines - Dahil sa pagtatanggol sa ina, pinagtataga hanggang sa mapatay ng 22-anyos na anak ang kaniyang sadistang ama matapos itong muling magwala habang nasa impluwensya ng alak sa Barangay San Teodoro sa bayan ng Bunawan, Agusan del Sur kamakalawa .

Kinilala ang nasawing biktima na si Dionesio Relatado, 49, habang sumuko naman sa pulisya ang suspek bitbit ang itak na ginamit sa krimen na si Jackson Relatado.

Sa ulat ng Caraga PNP na isinumite sa Camp Crame, naganap ang malagim na krimen dakong alas-12:45 ng madaling-araw.

Lumilitaw na umuwing senglot si Dionesio na nagwawala at pinagbabato pa ang kanilang tahanan kung saan inaway pa ang kaniyang misis na si Teresita Abayon Relatado na naalimpungatan sa pagkakatulog.

Matinding pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa kung saan matapos saktan si Teresita ay kinuha ng matandang Relatado ang bagong hasang itak at hinabol ng taga ang kaniyang misis.

Sa puntong ito ay hindi na nakapagpigil ang batang Relatado at matapos na abutan ang tumatakbong ama na humahabol sa kaniyang ina ay inagaw ang dala nitong gulok bago pa man mahalihaw ng taga ang misis.

Kasunod nito pinagtataga ang ama ng kanyang anak habang nakamasid ang kanyang ina.

Show comments