BULACAN , Philippines – Napatay ang tatlong kalalakihan na sinasabing notoryus na holdaper matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa madilim na bahagi ng Baranqay Longos sa bayan ng Pulilan, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Fernando Mendez Jr., dakong alas-10:05 ng gabi nang masabat ng pinagsanib na tropa nina P/Supt. Edwin Quilates at P/Supt. Camilo Lintao, ang tatlo na lulan ng dalawang motorsiklo.
Bago maganap ang shootout, hinoldap ng tatlo ang tricycle driver na si Joey Malabon, 34, dakong alas-8:45 ng gabi habang ito ay pauwi sa Brgy Peñabatan.
Nagreklamo si Malabon sa pulisya matapos matangay ang kaniyang kuwintas, singsing, relo at pitaka.
Agad namang inilatag ang operasyon kung saan naispatan ang tatlo na lulan ng dalawang motorsiklo na bumabagtas sa highway pasado alas-10:05 ng gabi.
Gayon pa man, tinangkang parahin ng pulisya ang tatlo subalit sinalubong sila ng sunud-sunod na putok ng baril kung saan nauwi sa engkuwentro.
Tinukoy ang pagkakakilanlan ng tatlo na sina alyas Fernan Gun, Ogie at Ebong habang wala namang namatay o nasugatan sa panig ng pulisya
Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang tatlong baril, dalawang motorsiklo na kapwa walang plaka at ang mga ninakaw kay Malabon.