TUGUEGARAO CITY, Philippines – Dahilan sa pagtangging isoli ang regalong cell phone, isang 31-anyos na ginang ang nasawi matapos itong pagsasaksakin ng dating ka-live in na sumugod sa tinitirhan nitong bahay at ng kaniyang kinakasama sa Aparri, Cagayan kamakalawa.
Agad binawian ng buhay sa tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang kinilalang si Grace Sitohon, tubong Caloocan City at nakatira sa bahay ng kinakasama nitong si Rodel Estrella ng Brgy. Gaddang, Aparri.
Kinilala naman ang nasakoteng suspek na si Rannie Tamano 25 anyos, magsasaka, dating live-in partner ng nasabing biktima.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, sumugod sa tinitirhan nina Sitohon at Estrella ang suspek na sumisigaw sa galit na binabawi ang iniregalo nitong cell phone sa biktima.
Pasigaw ring sinabi ng biktima na wala na ang nasabing cell phone bunsod upang magdilim ang isip ng suspek at pagsasaksakin ang biktima ng maraming ulit.
Matapos na duguang bumulagta ang ginang sa sahig ay agad namang nagtatakbo patakas ang suspek pero nasakote rin ng tumugis ng mga operatiba ng pulisya.