KIDAPAWAN CITY, Philippines – Apat na menor-de-edad na lalaki na pawang kawatan at tulak ng bawal na droga ang naaresto ng pulisya sa magkahiwalay na bayan sa North Cotabato kamakalawa.
Ayon sa report ng pulisya, si Jake, 13, na sinasabing anak ng pulis; at Noli, 8, anak ng magsasaka na kapwa nakatira sa bayan ng President Roxas ay naaktuhang nagnanakaw ng mga damit sa Mega Market sa Kidapawan City.
Hindi na nakapalag ang dalawa matapos maaresto ng mga operatiba ng Civil Security Unit na nagroronda sa loob ng palengke.
Kasalukuyang dinala ang dalawa sa opisina ng City Social Welfare and Development para sumailalim sa counselling at rehabilitation matapos mag-fingerprint sa himpilan ng pulisya.
Samantala, naaktuhan naman sina Rina, 12, Grade 6; at Jason, 7, Grade 1, na nagbebenta ng bawal na droga sa bayan ng Kabacan.
Ayon kay P/Supt. Raul Supiter, hepe ng Kabacan PNP, nasakote ang dalawa matapos maghatid ng droga sa buyer sa nasabing bayan.
Sa imbestigasyon, inamin ni Rina na inutusan siya ng kanyang ina na ihatid ang bagahe na naglalaman ng ilang plastic sachet ng shabu sa kaibigan.
Sa follow-up operation ay hindi naman inabutan ng pulisya ang ina ni Rina na sinasabing pinagmulan ng droga.
Itinurn-over ni P/Supt. Supiter ang mga bata sa opisina ng lokal na sangay ng DSWD habang inihahanda ang kaso laban sa ina ni Rina.