2 karnaper arestado

BULACAN, Philippines  – Rehas na bakal ang binagsakan ng dalawang kalalakihan na sinasabing notoryus na karnaper matapos masakote ng mga operatiba ng pulisya sa bayan ng Baliwag, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Sumasailalim sa tactical interrogation ang mga suspek na sina Verlito Valdez, 21, ng Barangay San Ramon, Aparri, Cagayan; at Noel Valdez, 21, ng San Jose, Nueva Ecija. Nabawi ang Nissan Urvan Escapade (ZRB 343) na pag-aari ni Rolando Tomas ng Barangay Mabuhay, Carmona, Cavite.

Ayon kay P/Supt. Rizalino Andaya, nagreklamo si Tomas sa pulisya matapos mawala ang kanyang sasakyan na nakaparada lamang sa harapan ng bahay. Sa follow-up operation ng pulisya at sa tulong na rin ng global positioning system na nakakabit sa sasakyan ni Tomas ay natunton at naaresto ang mga suspek sa Monrovia Hotel sa Baliwag, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Nasakote rin ng pulisya ang may-ari ng bahay na si Violeta Reyes na pinagdadalhan ng mga karnap na sasakyan sa Barangay Matang Tubig sa nabanggit na bayan.

Nasamsam sa bahay ni Reyes ang iba’t ibang spare parts ng sasakyan na walang kaukulang dokumento at ang limang motorsiklo na sinasabing kinarnap.

Show comments