Mag-asawang negosyante itinumba

Manila, Philippines -  Patay ang isang mag-asawang buy and sell trader matapos na pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong salarin habang kumakain ng hapunan sa loob ng kanilang tahanan sa Jasaan, Misamis Oriental kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Jaime at Erlinda Sabunodad; pawang agad binawian ng buhay matapos matadtad ng mga tama ng bala ng cal. 45 pistol partikular na sa bahagi ng ulo at katawan.

Ang mga biktima ay may negosyong buy and sell at may pag-aaring rice mill sa kanilang lugar.

Sa ulat ng Misamis Oriental Police, maga-alas-7 ng gabi kasalukuyang naghahapunan ang mag-asawa ng bigla na lamang pumasok sa kanilang tahanan ang mga armadong suspek at pagbabarilin ang mga ito.

Bago tuluyang tumakas ay sinunog pa ng mga suspek ang ricemill na pag-aari ng mag-asawa.

Pinaghahanap na ang mga suspek at patuloy rin ang imbestigasyon sa kaso.

Show comments