Manila, Philippines - Tatlong news team ng Dubai-base Al Arabiya TV network kabilang ang isang Jordanian reporter ang iniulat na nawawala matapos na magtungo sa lalawigan ng Sulu, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang Jordanian TV reporter na si Baker Abdullah Atyani at ang dalawa pa ay mga Pinoy crew na sina Rolando Letrero at Ramelito Vela.
Ayon kay Sulu Provincial Police Office (PPO) Director P/Sr. Supt. Antonio Freyra, ang pagkawala ni Atyani ay ini-report sa mga awtoridad ng mga kaibigan nitong reporter matapos itong mabigong makabalik sa kanilang tinutuluyang hotel sa Sulu.
Sinabi ni Freyra na hindi pa maidedeklarang kinidnap ng mga bandido sa Sulu ang biktima tulad ng ipinangangamba ng mga kasamahan nito hangga’t walang pruweba ukol dito lalo pa at wala naman silang monitoring sa naturang espekulasyon.
Ang lalawigan ng Sulu pinamumugaran ng mga bandidong Abu Sayyaf Group (ASG) na may ugnayan sa Jemaah Islamiyah (JI) terrorist ay kilalang notoryus sa kaso ng kidnapping for ransom, pamumugot ng ulo sa mga hostage na walang pang-ransom at ambushcades.
Nabatid na ang nasabing Jordanian reporter ay dumating sa Jolo, Sulu noon pang Hunyo 11 upang magkober umano sa Independence day kung saan nag-video pa ang mga ito sa television documentary umano ng Al Arabiya network sa kapitolyo ng Jolo at sa lokal na pamahalaan ng lalawigan pero nabigo umanong makabalik sa tinutuluyang hotel.