MANILA, Philippines – Masaklap na kamatayan ang sinapit ng 10-anyos na batang babae makaraang madaganan ng nabuwal na punong kahoy sa Suraya Homes Cabantian, Barangay Buhangin, Davao City.
Lumilitaw na nanonood ng telebisyon ang biktimang si Justine Tabaniag sa sala ng kanilang tahanan habang ang ina naman nitong si Ofelia ay may inaayos sa loob ng kuwarto nang marinig nito ang iyak ng anak bandang alas-7 ng gabi. Nang lumabas sa kuwarto ay nagimbal si Ofelia nang makitang nadaganan ng punong kahoy ang kanilang bahay na yari sa kubo na sumapul sa katawan ng bata. Agad namang rumesponde ang Central 111 search and rescue team kung saan tumagal ng dalawang oras bago nakuha ang bangkay ng bata.