Ambush sa Sulu: 4 dedo, 2 sugatan

Manila, Philippines -  Apat katao ang kumpirmadong nasawi habang dalawa pa ang nasugatan makaraang ratratin ng mga armadong kalalakihan ang isang pampasaherong Tamaraw jitney habang bumabagtas sa highway ng Parang, Sulu kamakalawa.

Ayon kay Sulu Provincial Police Office (PPO) Director Sr. Supt. Antonio Freyra, iniimbestigahan pa nila kung sino ang nasa likod ng karahasan pero aminado itong ang lugar ay balwarte ng mga bandidong Abu Sayyaf.

Kinilala ni Freyra ang mga nasawi na sina Corporal Per­sing Mijan, 30, miyembro ng Army’s 35th Infantry Battalion (IB); Nurhaimi Mijan, 28; Bismun Lukman, driver at Hija Palahuddin, 90-anyos na biyuda. Sugatan naman sina Amil Hambi, 18, estudyante at Kumalah Abdah, 9 -anyos.

Base sa imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa highway ng Sitio Nunuk, Brgy. Linuho, Parang, Sulu habang bumabagtas sa lugar ang Tamaraw jitney (JCB -122) na minamaneho ni Lukman nang paulanan ng mga armadong kalalakihan.

Show comments