ISABELA, Philippines – Hindi bahagi ng investment plan ang P25 milyong pondo na inilaan sa Hybrid Rice Program para sa apat na distrito sa lalawigan ng Isabela.
Ito ang pahayag ni dating Isabela Vice Governor Santiago Respicio na sumasalungat naman sa sinabi ng dating gobernador na nakipagkasunduan sa isang non-government organization (NGO) para sa implementasyon ng Provincial Rice Program na magpapalakas daw sa produksyon ng bigas sa nasabing lalawigan.
Isiniwalat din ni Respicio na ang P25 milyong agricultural loan ay hindi dumaan sa DBM at COA taliwas sa ipinahayag ng lokal na pamahalaan ng Alicia kaya walang inilaan na pondo mula sa Economic Development Fund ng Isabela.
“Kaya hindi maaring makipagkasundo ang dating gobernador ng Isabela sa isang NGO dahil labag ito sa local Government Code.” Dagdag pa ni Respicio
Nabatid din na umabot lamang sa 1, 220 ektaryang lupain ang sinakop ng rice program mula sa milyong ektaryang lawak ng Isabela kung saan 449 magsasaka lamang ang nakinabang sa nasabing agricultural loan taliwas sa naglabasang ulat na ipinatupad ang nasabing programa sa 35 munisipalidad.
Wala ring katotohanan ang napaulat na 10 bayan sa Cagayan Valley ang naging biggest rice producer dahil apat dito ay hindi naman rice producing municipalities tulad ng mga bayan ng Naguilian, Gamu, Benito Soliven at bayan ng San Mariano na kasalukuyang hindi pa rin palay ang kanilang pangunahing produkto.