SUBIC BAY FREEPORT ZONE, Philippines - Tatlo sa 11-kawani ng Winstar Transport Svc. Corp. na sinasabing sinibak sa trabaho ang umapela kay SBMA Chairman and Administrator Roberto Garcia na masusing imbestigahan ang nasabing korporasyon sa pagsuway sa kautusan ng National Labor Relations Commission (NLRCZ) na maibalik sila sa puwesto.
Ang nasabing transport korporasyon na pinangangasiwaan ni Antonio Bautista ay may negosyong maghatid-sundo ng mga pasahero sa loob ng Subic Free Trade Zone simula pa noong 1992.
Sa 4-pahinang liham na may petsang Mayo 12, 2012 na isinumite sa pamunuan ng Subic Bay Metropolitan Authority, kabilang sa mga sinibak sa trabaho ay sina Romeo Caoile, Edgar Alan Caoile at Benny Esperella na pawang mga driver ng nasabing transport service.
Pinaboran ng 2nd Division ng NLRC ang reklamo ng mga sinibak na kawani na ibalik sila sa trabaho at bigyan ng kaukulang kompensasyon.
Sa ipinalabas na Writ of Execution ni Executive Labor Arbiter Mariano Bactin, ang tatlong sinibak ay pinababalik sa kanilang puwesto na hindi mawawala ang seniority rights at pribilehiyo.
Kasunod nito, pinababayaran din ang tatlo ng P2,953,780.22 backwages kung saan inatasan naman si Sheriff Aida Gervacio na dalhin ang Writ of Execution sa Winstar Transport Svc. Corp. para ipatupad ang kautusan.
Samantala, pinabubusisi rin sa pamunuan ng SBMA ang sinasabing malawakang anomalya ng korporasyon kaugnay sa ilang sasakyang ginagamit sa negosyo na hindi nakarehistro sa kinauukulang ahensya ng pamahalaan .