COTABATO CITY, Philippines – Umaabot sa 50 barangay sa Central Mindanao ang lubog sa tubig-baha dahil sa walang puknat na buhos ng ulan sa loob ng limang araw, ayon sa ulat kahapon.
Kabilang sa naapektuhan matapos mawasak ang irrigation dike sa bayan ng President Roxas, North Cotabato ay ang mga Barangay Tuael, Alegria, Paco, at ang Barangay Kamarahan kung saan libu-libong pananim na gulay ang nasalanta habang dose-dosena namang pamilya ang naapektuhan ng tubig-baha.
Maging ang Barangay Bantac sa bayan ng Magpet ay nadale ng tubig-baha kung saan aabot sa 50 pamilya ang inilikas patungo sa evacuation center sa Kidapawan City.
Samantala, sa ulat ni Ret. Gen. Loreto Rirao, director ng Regional Disaster and Risk Reduction Mitigation Council sa Autonomous Region in Muslim Mindanao, aabot naman sa 20 barangay sa 2nd District sa Maguindanao ay lubog sa baha dahil sa matinding buhos ng ulan.
Pinayuhan ni Rirao ang mga residente sa gilid ng Rio Grande de Mindanao at Allah River na magsilikas patungo sa mataas na lebel ng lupain kapag hindi humupa ang buhos ng ulan. Phil. Star News Service