MANILA, Philippines - Humantong sa bangungot ang pagbabakasyon ng isang 42 anyos na mister sa bahay ng kaniyang kaibigan matapos halos mapugutan ng ulo nang pagtatagain ng isang lalaking umano’y may diperensya sa pag-iisip sa Brgy. Maravilla, Tabuelan, Cebu kamakalawa.
Ang biktimang si Dobelio Calinawan ay dead-on-the spot sa insidente sa tinamong mga tama ng taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan kung saan lumaylay ang ulo nito sa insidente.
Arestado naman at ngayo’y nahaharap sa kasong murder ang suspek na si Conrado Mahusay, 48 taong gulang.
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 7, naitala ang malagim na krimen sa nasabing lugar bandang alas-11 ng umaga.
Kasalukuyan umanong nagbabakasyon sa lugar ang biktima matapos itong imbitahan ng kaniyang kaibigan para magtungo sila sa beach resort at maligo dahilan masyadong mainit ang panahon.
Ayon sa imbestigasyon, nakaupo ang biktima sa sofa sa bahay ng kaibigan nitong si Ricardo Salazar ng bigla na lamang pumasok sa sala si Mahusay bitbit ang bagong hasang itak at pinagtataga ang biktima.
Nagawa pang makatakbo ng biktima pero hinabol ito ng suspek saka pinagtataga muli bago tuluyang tinagpas sa leeg na siya nitong ikinasawi.