MANILA, Philippines - Nabahiran ng trahedya ang pagsisimula ng Brigada Eskuwela Week matapos barilin ng desperadong manliligaw na sundalo ang guro na kanyang nililigawan bago ito nag-suicide sa bayan ng Miag-ao, Iloilo kahapon ng umaga.
Sa phone interview, kinilala ni Army’s 3rd Infantry Division spokesman Major Enrico Gil Ileto ang nag-suicide na sundalo na si Private John Rey Chiva, 25, ng Army’s 82nd Infantry Battalion.
Si Chiva ay nagbaril sa ulo habang nasa kritikal namang kondisyon sa St. Paul Hospital ang biktimang si Sheryll Molase, 22, nagtamo ng tama ng bala ng cal. 45 pistol sa mata na naglagos sa teynga.
Nilinaw naman ni Ileto na wala silang contingent sa isinasagawang Brigada Eskuwela sa bayan ng Miag-ao West Central School sa Barangay Tabunacan.
Hindi rin nagpaalam si Chiva sa kaniyang commanding officer na magtutungo sa eskuwelahan at isagawa ang krimen kung saan naituturing na isa itong Absent Without Official Leave (AWOL).
Lumilitaw sa imbestigasyon na nagtungong nag-iisa sa nasabing eskuwelahan ang desperadong si Chiva habang abala sa isinasagawang Brigada Eskuwela Week ang mga guro.
Nagulantang ang mga kasamahang guro ni Molase nang bigla na lamang itong barilin ni Chiva saka nagbaril at namatay.
Nabatid na si Chiva ay matagal ng nanliligaw kay Molase, subalit hindi nito sinasagot kaya pinaniniwalaang napundi at isinagawa ang krimen.
Kasalukuyang nakikipag-ugnayan na ang commanding officer ni Chiva sa pamilya ng nasabing guro upang mabigyan ito ng tulong pinansyal.
Samantala, patuloy ang pagtulong ng Philippine Army sa mga opisyal ng Department of Education sa Brigada Eskuwela sa pagbubukas ng klase sa Hunyo.