Spray plane bumagsak: piloto patay

MANILA, Philippines - Kamatayan ang sumalubong sa 36-anyos na piloto matapos na aksidenteng bumagsak ang spray plane na pinalilipad nito sa Barangay La Filipina, Tagum City, Da­vao del Norte noong Sabado ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Steve Pacaldo na naisugod pa sa Bishop Reagan Hospital subalit idineklarang patay dahil sa malubhang sugat sa katawan.

Sa ulat ng Tagum City PNP, naganap ang insidente bandang alas-8:15 ng umaga sa  Purok 7, Sitio San Isidro sa Barangay La Filipina, Tagum City.

Sa inisyal na imbestiga­syon, kasalukuyang nagi-spray sa mga pananim ang biktima nang bumagsak ang spray plane na pagmamay-ari ng Sumifryu Airtrack Agency.

Nakita pa ng ilang magsasaka na nagpagiwang-giwang sa himpapawid ang eroplano bago ito bumulusok at lumagapak sa lupa.

Show comments