Katiwala sa kuwadra, niratrat

CAVITE , Philippines – Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang 41-anyos na caretaker sa kuwadra matapos itong ratratin ng kasamahan sa trabaho kamakalawa sa Barangay Lantic sa bayan ng  Carmona, Cavite. Tatlong bala ng cal. 9mm ang tumama sa katawan ni Elfred “Kambal” Cuenco, 41, may-asawa, at stay-in sa San Lazaro Liezure Park sa nasabing barangay. Kaagad na tumakas ang suspek na si Socrates Bacalando, 37, ng Block 213 Lot 21, Yuan Street sa North Fairview, Quezon City. Naganap ang krimen dakong alas-11:30 ng umaga sa loob ng opisina sa Stable # 6, San Lazaro Liezure Park kung saan nagkainitan ang dalawa. Nabatid na napikon ang suspek sa tinuran ng biktima kaugnay sa reklamo ng kanilang amo kung saan nauwi sa pamamaril.

Show comments