CAMARINES NORTE, Philippines - Nagpaabot ng pakikiramay at tulong pinansyal si Camarines Norte Governor Edgardo “Egay” Tallado sa pamilya ng apat na sundalong napatay ng mga rebeldeng New People’s Army sa Barangay Maot sa bayan ng Labo.
Kasabay nito, sinibak naman ang Army battalion commander matapos ang pag-atake ng mga rebelde kung saan napatay ang apat na sundalo at isang sibilyan noong linggo.
Ayon sa hepe ng Army’s 9th Infantry Division na si Major Gen. Josue Gaverza, sinibak niya sa puwesto si Lt. Col. Epimaco Macasilang, commander ng Army’s 49th Infantry Battalion kaugnay ng isyu ng command responsibility.
Base sa tala ng Phil. Army, nag-house-to-house dialogue ang 9 man team ng Peace and Development Team ng 49th Infantry Battalion nang ratratin ng mga rebeldeng NPA.
Nabatid na nagpapahinga na ang mga sundalo sa loob ng barangay hall nang pagbabarilin ng mga rebelde.
Kabilang sa mga napatay na sundalo ay sina Corporal Armado Parellio, 30; Pfc. Teodoro Ojeda, 26; Pfc Paolo Ortiscio, 27; Pfc Senesio Potian, 22, kung saan napatay din ang sibilyang si Francisco Ruales, 49, may-ari ng tindahan.
Bunga ng insidente ay agad ding ipinag-utos ni Gaverza ang pagbuo ng Board of Inquiry sa pamumuno ni Army’s 9th Infantry Division Provost Marshal Chief Col. Andrelino Colina.