MANILA, Philippines - Patay ang isang 48 anyos na negosyanteng ginang matapos na pagsasaksakin nang pumalag sa isang hinihinalang notoryus na kawatan na nanloob sa kanilang sari-sari store na ikinasugat rin ng paslit na anak nitong babae sa Brgy. Barandal, Calamba City kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ang nasawing negosyante na si Rizalina Pineda, residente ng nasabing lugar, dead-on-the spot sa tinamong mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Isinugod naman sa J.P. Rizal Memorial Medical Hospital ang sugatang biktima na si Jelaiza,10-anyos na nagawang makilala ang suspek na nasa likod ng krimen.
Sa ulat ni Calamba City Police Director Supt. Leovigildo Manaig, dakong ala-1:30 ng madaling-araw ng puwersahang pasukin ng suspek na si Ariel Brondo,18 anyos ang sari-sari store ng ginang sa naturang lungsod matapos na wasakin ang bintana.
Habang ninanakaw ang tatlong units ng cell phone ng ginang at P17,825.00 cash na kita ng tindahan ay naalimpungatan sa pagkakatulog at nahuli sa akto ang suspek na naninirahan rin sa kanilang barangay kung saan pinagsasaksak ang ginang ng akma itong sisigaw at saka ang nasabing bata bago tumakas.
Naaresto naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang suspek na positibong naituro ng batang biktima.