Mag-asawang nameke, dakma

BULACAN, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng mag-asawang nagpanggap na optometrist matapos arestuhin ng pulisya kaugnay sa reklamo ng Philippine Association of Optometrist-Bulacan Chapter kamakalawa. Kinilala ni P/Chief Insp. Arwin Tadeo ang mga suspek na sina Eduardo Sangalang, 52; at Rosalie Sangalang, 45, kapwa nakatira sa Barangay Sto. Cristo sa bayan ng Baliwag, Bulacan. Ang mag-asawang Sangalang ay inireklamo ni Dra. Felecitas Gallardo, 47, ng Brgy.San Vicente sa bayan ng Sta. Maria matapos manggamot ng mga residente sa Barangay Marungko na walang kaukulang lisensya mula sa nasabing asosasyon. Nasamsam sa mag-asawa ang mga optalmic lenses,optalmic frames, papel de liha, iba’t ibang instrument, at isang traysikel (1233-CP) na ginagamit sa kanilang modus operandi. Napag-alamang may nakabimbing kaso ang mga suspek sa sala ni Judge Teodora Gonzales ng Malolos City Regional Trial Court Branch 14 kung saan pansamantalang nakalaya sa bisa ng inilagak na piyansa.

Show comments