Pulis arestado sa pamamaril

CAMARINES NORTE, Philippines – Nalalagay sa balag ng alanganing masibak sa tungkulin ang pulis-San Juan matapos arestuhin ng kanyang kabaro dahil sa walang habas na pamamaril sa Barangay 8 sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa ng hapon. Sa ulat ni P/Supt. Allan Ramos, nabatid na si SPO1 Rio Gomez Tuyay ay walang habas na nagpaputok ng 10 beses ng shotgun bandang alas 4:30 ng hapon sa loob ng kanilang bakuran na labis na nakaalarma sa mga kapit­bahay. Nagawa pang murahin at lumaban sa mga rumespondeng pulis si Tuyay subalit napilitang sumuko matapos dumating ang hepe ng pulisya. Maliban sa 2-kasong kriminal, nahaharap din sa kasong administratibo si SPO1 Tuyay sa PNP Internal Affairs Service. Nakapagpiyansa naman si Tuyay kaya pansamantalang nakalaya.

Show comments