Mister kinatay ni misis

MANILA, Philippines - Dahil sa matinding selos at panibugho, pinagtataga hanggang sa mapatay ang sinasabing babaerong mister ng kanyang ka-live-in sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Bayugan 3 sa bayan ng Rosario, Agusan del Sur kamakalawa ng gabi.

Halos magkagutay-gutay ang katawan at naputol pa ang paa ng biktimang si Godofredo “Royroy “Gona, 37, minero habang sumuko naman sa pulisya ang suspek na si Thelma Rojas, 43.

Base sa imbestigasyon ng pulisya na nakarating sa Camp Crame, naitala ang krimen sa tahanan ng magka-live-in dakong alas-9 ng gabi.

Bago maganap ang brutal na pamamaslang ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa at inabangan ng babae na makatulog ang kanyang mister saka pinagtataga gamit ang 9-pulgadang matalim na itak.

Lumilitaw na madalas mag-away ang dalawa sa tuwing ginagabi sa pag-uwi ang biktima dahil sa pinaniniwalaang may ibang karelasyong babae.

Inamin naman ng suspek sa kanilang kapitbahay ang pagkakapatay sa kaniyang ka-live-in na noong una ay inakala pa ng kapitbahay na nagbibiro ang misis.

Narekober naman sa crime scene ang duguang itak na ginamit sa pamamaslang at ang bangkay ng biktima.

Show comments