2 sekyu tiklo sa pagnanakaw

BULACAN, Philippines  – Rehas na bakal ang binagsakan ng dalawang security guard ang nasakote ng mga awtoridad matapos na maaktuhang nagnanakaw ng mga damit sa kanilang binabantayang department store sa Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng gabi. Pormal na kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Ma­rilou Beato, 33, ng Barangay Malhacan, Meycauayan City at Ronnie Siba­yan, 47, ng Barangay Panghulo, Malabon City, kapwa sekyu sa Star Shop Plaza. Base sa ulat na nakarating kay P/Supt.Hector Samar, ang dalawa ay naaktuhan ng maintainance officer na si Michael Gemparo na pumasok sa stock room si Beato bago isinilid ang 45 piraso ng mga damit kung saan nagsisilbing look-out naman si Sibayan. Agad na inalarma ni Gemparo ang isa sa mga gwardiya na si Magdalena De Pablo kung saan nakatalaga sa entrance/exit ng department store at nang papalabas na ang mga suspek ay nabistong may bitbit na mga damit na walang kaukulang resibo.

Show comments