MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group noong Martes ng gabi ang isa pang suspek sa pagpatay sa brodkaster at anchorman Gerardo “Doc Gerry” Ortega sa Puerto Princesa City, Palawan.
Kinilala ni P/Director Samuel Pagdilao Jr., hepe ng CIDG ang suspek na si Atty. Romeo Seratubias na sinasabing nakarehistro sa kanyang pangalan ang ginamit na cal. 45 pistol sa krimen.
Si Seratubias ay nasakote bandang alas-6:30 ng gabi matapos itong dumalaw sa kaniyang tahanan sa Barangay San Jose sa Puerto Princesa City matapos makatanggap ng tip mula sa Community Investigative Support ng PNP.
Lumilitaw na nag-isyu ng warrant of arrest si Judge Angelo Arizala ng Palawan Regional Trial Court Branch 52 laban kina Seratubias at ex-Palawan Governor Joel Reyes sa kasong murder kung saan walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan.
Nabatid na nauna nang itinanggi ng dating gobernador ang pagkakasangkot nito sa krimen. huli.
Sa tala ng pulisya, si Doc Gerry, 47, ay niratrat at napatay ng gunman na si John Recamata habang namimili sa ukay-ukay store sa nasabing lungsod noong Enero 24, 2011.
Nasakote naman si Recamata kung saan binayaran lamang siya ng P150,000 para paslangin si Doc Gerry.