OLONGAPO CITY ,Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng 34-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng 8-kilong pinatuyong dahon ng marijuana sa inilatag na buy-bust operation ng mga operatiba ng pulis-Gapo at Philippine Drug Enforcement Agency sa terminal ng bus sa Barangay Bajac-Bajac, Olongapo City kahapon.
Pormal na kinasuhan ni P/Senior Insp. Julius Jimenez ng Olongapo City Anti-Illegal Drugs Operation ang suspek na si Jaime Paul Bagay, tubong Kalinga, Apayao at pansamantalang naninirahan Barangay Balaybay, Castillejos.
Si Bagay ay nasamsaman ng walong bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana kung saan tumitimbang ng walong kilo at may street value na P80,000.
Pinaniniwalaan naman ipapakalat ng suspek ang kilu-kilong marijuana sa ilang bahagi ng Olongapo City at karatig pook.
Nabatid kay Agent William Dulay ng PDEA Team Subic, matagal na nilang sinusubaybayan ang suspek kung saan ang pinakahuli ay ang biyahe nito mula sa Baguio City.
Nagpanggap na poseur-buyer ang isang PDEA agent at umorder ng 1- kilong marijuana sa suspek kaya nadakma.