MANILA, Philippines - Dalawa katao ang iniulat na nasawi sa Low Pressure Area (LPA) na nagdulot ng mga pag-ulan sa Bicol Region at iba pang bahagi ng bansa, ayon sa ulat ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) kahapon.
Kinilala ang mga nasawi si Aida Fusana Floralde, 61-anyos matapos malunod habang tumatawid noong Miyerkules sa Bailey Bridge sa Brgy. San Francisco, Bulusan, Sorsogon.
Ang isa pa ay nakilala namang si Jomar Brezuela, 19 ng Brgy. Obrero, Bulan, Sorsogon na nalunod naman makaraang pulikatin ang binti sa Sabang Beach sa naturang bayan noong Miyerkules.
Samantalang patuloy pa ring pinaghahanap ang mga mangingisdang sina Efren Templonuevo, 50 at Michael Toonan, 22 taong gulang na nawawala matapos pumalaot upang mamalakaya noong Martes ng gabi sa karagatan ng Gigmoto, Catanduanes.
Kaugnay nito, base sa report ng PAGASA, sinabi ng opisyal na unti-unti ng gumaganda ang panahon sa Bicol Region.