BATANGAS, Philippines –Sumunod sa hukay ang misis ng dating barangay captain matapos barilin ng ‘di-kilalang lalaki sa panibagong karahasang naganap na naman sa Tanauan City, Batangas kahapon ng umaga.
Naisugod pa sa Mercado Hospital subalit namatay din habang ginagamot si Josephine Macandili, 53, ng Barangay 7 sa nasabing lungsod.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. Rosauro Acio, Batangas PNP director, abala sa pag-aasikaso ng mga bisita ang biktima sa ginaganap na Tanauan Institute Batch 78 class reunion sa gymnasium ng Tanauan City nang lapitan at barilin sa ulo ng lalaking naka-bonnet bandang alas-10:30 ng umaga.
Si Macandili ay asawa ni ex-Barangay Chairman Epoy Macandili na binaril at napatay din noong September 2001 habang patuloy namang inaalam ng pulisya ang tunay na motibo ng pamamaslang.