SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines – Isang mister ang nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti matapos umanong hiwalayan ng kanyang misis sa lalawigan ng La Union kamakalawa.
Ayon sa ulat, nakilala ang biktima na si Reynaldo Cariño, 39, residente ng Sitio Tawi-tawi, Barangay Gusing Sur Naguillan, La Union.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-6 ng umaga kahapon nang matagpuan ang wala ng buhay na katawan ng biktima na nakasabit sa loob ng kanilang tahanan sa nasabing lugar.
Itinali ng biktima ang kurtina sa bubungan ng kanilang bahay bago ito ikinabit sa kanyang leeg at tuluyang nagbigti dahil di umano sa pangungulila sa asawa.
Batay sa salaysay ng ilang mga kamag-anak, labis umanong dinamdam ng biktima ang pagkawala ng kanyang asawa matapos siyang hiwalayan at ngayon ay nasa ibang bansa upang magtrabaho na siyang hinihinalang sanhi ng pagpapakamatay nito.