MANILA, Philippines - Lumobo na sa 127-katao ang naisugod sa ospital habang 9- buwang gulang na sanggol na babae ang iniulat na nasawi sa patuloy na pananalasa ng diarrhea sa Romblon, ayon sa ulat kahapon.
Sa inilabas na ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, 15 pang panibagong kaso ng diarrhea ang naitala kung saan isang sanggol ang nasawi habang nasa Sibuyan District Hospital dahil sa acute gastroenteritis at dehydration.
Samantalang, 15 panibagong kaso ng diarrhea naman ang naitala mula sa mga Barangay Azagra, Taclobo, Pili, Agtiwa at ang Barangay Panangcalan na nasa bayan ng San Fernando.
Noon lamang nakalipas na linggo ay iniulat ng NDRRMC na nasa 112-katao ang nadale ng diarrhea na kumalat sa ilang barangay sa bayan ng San Fernando.
Pinaniniwalaan namang kontaminasyon ng tubig at maruming pagkain ang isa sa pinagmumulan ng diarrhea.