May-ari ng korporasyon dedo sa tandem

BULACAN, Philippines – Isa na namang negosyante ang iniulat na napaslang matapos barilin ng riding-in-tandem sa bisinidad ng Barangay Perez sa Meycauayan City, Bulacan kamakalawa ng hapon.

Isang tama ng bala ng cal. 45 pistol ang tumapos sa buhay ni Reggie Ocampo, 25, ng Barangay Saog, Marilao, Bulacan at may-ari ng Jane Finance Corp. Sevices.

Samantala, hindi naman idinamay ang kasama ng biktima na si Susan Labong, 46, collector, ng St. Michael Subd., Meycauayan City, Bulacan.

Pansamantalang hindi muna isiniwalat ang pagkakakilanlan ng mga suspek habang nagsasagawa ng follow-up operation.

Sa ulat na nakarating kay P/Senior Insp. Leopoldo Estorque, magkaangkas sa motorsiklo sina Ocampo at Labong at binabagtas ang makipot ng kalsada sa Muralla Subd. nang dikitan at barilin ng motorcycle-riding assassin.

Sumemplang ang motorsiklo ng dalawa kung saan kinulimbag ng tandem ang P10,000 cash na bitbit ng biktima.

Show comments