Deputy chief ng HPG-12 'di nasibak, pararangalan

MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ni PNP-Highway Patrol Group Director P/Chief Supt. Leo­nardo Espina na hindi kabilang si deputy chief ng Highway Patrol Group (HPG) 12 P/Chief Inspector Romeo Anastacio D. Mon sa nasibak mahigit isang linggo na ang  nakalipas kaugnay ng isyu ng hot car sa General Santos City.

Sa panayam, klinaripika ni Espina na lumitaw sa imbestigasyon na walang kinalaman si P/Chief Insp. Mon sa paratang na kasama ito sa gumamit ng nasamsam na 26 hot cars sa serye ng operasyon ng HPG 12.

 “Verbally I commended him for the successful operations with regards to anti-carnapping operations in Central Mindanao, in fact, isa siya sa tatanggap ng parangal,” pahayag ni Espina kaugnay ng pagtungo nito sa General Santos City noong huling bahagi ng Pebrero sa matagumpay na pagkakasamsam ng mga hot car mula sa Baktin carnapping syndicate.

Una nang pinatawan ng pagkakasibak ni Espina si P/Senior Supt. Jaime Macarilay, hepe ng HPG Region12 matapos naman itong ireklamo ni Sarangani Gov. Miguel Dominguez sa sinasabing ginagamit sa personal nitong lakad ang mga hot cars na nasamsam.

Ang napaulat sa ilang pahayagan na pagsibak kay Macarilay ay kinumpirma ng opisyal ng HPG na lumilitaw namang inakala nitong kasama si P/Chief Insp. Mon sa pinatawan ng ‘restricted to custody’ dahil sa deputy rin ito ni Macarilay.

“Miscommunications lang, kaya nasabi na-relieve rin siya, paki-clarify na lang ninyo,” ayon sa isang opisyal ng HPG.

Nabatid na si Mon ay malapit ng magretiro matapos ang mahabang taon ng serbisyo sa PNP-HPG.

Kaugnay nito, sinabi ni Espina na patuloy ang kanilang puspusang operasyon upang malansag ang mga sindikato ng carnapping gang.

Show comments