MANILA, Philippines - Napatay ang negosyanteng mister matapos tambangan ng motorcycle-riding gunmen kung saan napaslang naman sa pakikipagbarilan sa pulisya sa bayan ng Cantilan, Surigao del Sur noong Huwebes ng hapon.
Kinilala ni P/Chief Supt. Martin Gamba ang napatay na negosyante na si Jovy Arnan Gapora ng Barangay Magoselom.
Samantala, ang dalawang gunmen na nakipagbarilan at napatay ng pulisya ay nakilala sa pamamagitan ng nakuhang identification card na sina Kagawad Camelo Estal ng Barangay San Jose, Tandag City at Taming Nuñez.
Bandang ala-1:20 ng hapon nang tambangan si Ganora sa bisinidad ng Barangay Pag-antayan kung saan narinig naman ng pulisya ang mga putok ng baril.
Mabilis namang rumesponde ang puwersa ng Cantilan PNP at 132nd Regional Public Safety Company kung saan nauwi sa shootout ang insidente.
Narekober sa shootout scene ang dalawang cal. 45 pistol na ginamit ng gunmen at ang motorsiklo.