Architect utas sa ambush

MANILA, Philippines - Napaslang ang 55-anyos na arkitekto habang sugatan naman ang dalagang kasama nito sa naganap na pananambang ng riding-in-tandem sa highway ng Barangay Bagong Pag-asa sa bayan ng San Jacinto, Pangasinan noong Biyernes ng hapon.

Napuruhan sa ulo at kanang dibdib si Architect Efren Martinez, biyudo, ng Tambak District, Dagupan City kung saan idineklarang patay sa Mapandan Community Hospital.

Ginagamot naman sa Regional Medical Center ang sugatang si Flordeliza “Rachele” Sembran, 21, ng Las Vegas, Barangay Bonuan Gueset, Dagupan City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na lulan ng puting Mitsubishi L300 van (UBW 114 ) ang dalawa nang tambangan kung saan hindi naman nasugatan ang drayber ng van na si Liberato Ubando at naipaabot kaagad sa pulisya ang insidente.

Ayon sa pahayag ni Sembran sa pulisya, isa sa mga namaril sa kanilang dalawa ay binasted nitong manliligaw na tinukoy lamang sa pangalang Jimmy.

Show comments